Friday, April 23, 2010

About Mr. Irvin Alcala


Si Irvin Maaño Alcala ay namulat sa larangan ng pulitika dahil sa pagbabagong dulot ng masidhing paglilingkod ng kaniyang ama na si Congressman Proceso “ Procy” J. Alcala nang manungkulan ito bilang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Quezon. Ito ang nagmulat sa kanyang murang edad sa tunay na kalagayan ng ating bayan kung kaya’t sa edad na 33 ay tinanggap nya ang hamon na ipag-patuloy ang nasimulan ng kanilang pamilya.

Pangalawa at nag-iisang lalaki si Irvin sa tatlong anak ng mag-asawang Engr. Proceso Jaraza Alcala at ng kanyang may bahay na si Corazon Asuncion Gocon Maaño. Nag-aral at nakapagtapos ng elementarya at sekondarya si Irvin sa Maryhill Academy mula 1990 hanggang 1994 at kursong Inhinyero Sibil sa Mapua Institute of Technology taong 2000.

Napangasawa ni Irvin si Mimilanie Tadiosa at mapalad na nabiyayaan ng dalawang anak na sila Theoden Benedict T. Alcala, 4 na taon at Thor Benedict T. Alcala, 5 buwan.

Hindi lumaki sa luho si Irvin sa katunayan bata pa lamang siya ay natuto na syang maging masinop sa pamamagitan ng pagpasok bilang timekeeper sa kanilang maliit na kumpanya tuwing bakasyon at ang kanyang kinikita mula dito ang kanyang iniipon upang maipangbili ng bagong sapatos na pamasok sa pagbubukas ng klase sa kasunod na taon.

Nang makapagtapos siya ng kolehiyo ay agad niyang inasikaso ang kanilang munting negosyo upang makatulong sa kanyang pamilya.

Dahil sa pagkakaluklok bilang kinatawan ng kanyang ama, hindi nalingid kay Irvin ang mga pangangailangan ng kanyang mga kababayan na lalo pa niyang naramdaman ng maging aktibo siyang kasapi ng Rotary Club of Lucena South. Dito ay binigyang pansin nya ang Serbisyo Publiko at itinuon ang kaniyang atensyon sa lahat ng programa ng nasabing grupo upang makapaglingkod sa mga kapos palad nating kababayan.

Ang mahigit walong(8) taon niyang boluntaryong paglilingkod sa publiko ang siyang nagpasidhi sa kanyang pagnanais at nagtulak sa kanya upang tahakin ang landas ng pulitika.

Ang kanyang paniniwala sa paninindigan na sinimulan ng kanyang ama na tapat na pagsilbihan ang mga mamamayan ng Ikalawang Distrito ng Quezon ang kanyang naging gabay upang ipagpatuloy ang serbisyong bayan.

Kung tapat at tuwid ang pamumuno, tiyak ang asenso!


ALCALA SUBOK NA!


Si Cong Procy Bilang Mambabatas

Sa kanyang ikalawang termino bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Quezon, si Cong Procy ay nagpanukala at naging instrumento sa pagpasa sa Mababang Kapulungan ng Panukalang Batas 2806 (the Hazardous and Radioactive Waste Management Act), Panukalang Batas 2716 (Reforestation Program for Mt. Banahaw) at Panukalang Batas 2718 (Mounts Banahaw-San Cristobal Protected Landscape). Ang Panukalang Batas 2806 ay nagpapanukala ng sistema para sa pamamahala ng hazardous at radioactive waste sa Pilipinas. Samantalang ang Panukalang Batas 2718 ay nagdedeklara ng proteksyon para sa Bundok Banahaw at San Cristobal sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS). Ang Panukalang Batas 2718 ay tuluyan ng naging batas noong Disyembre 2019 bilang Batas Republika 9847.

Maliban sa Banahaw Law, dalawa pa sa mga panukalang batas ni Cong Procy ang naging batas. Ito ay ang RA9729 o Climate Change Act na nagtatag ng Climate Change Commission at naglalayon na tugunan ang patuloy na pagbabago ng klima at pag-init ng mundo. Siya ay may-akda rin ng komprehensibong batas para sa mga Senior Citizens. Pinanukala nya na dagdagan ang death benefits para sa mga naiwang kaanak ng isang yumaong Senior Citizen.

Ang panukalang batas na sinumite ni Cong Procy tungkol sa natural na pagsasaka (Organic Agriculture Act (HB 4118)) ay nakatakda ng lagdaan ni PGMA.

Tatlong panukalang batas naman patungkol sa pagdeklara ng ilang daan ng probinsya bilang national roads para matustusan ng karampatang pondo ang naipasa ng Kongreso sa pangunguna ni Cong Procy. Ang mga daang ito ay ang Junction MSR-Palisa-Cabay-Del Rosario; Domoit-Bocohan; at Junction MSR-Poblascion-Tumbaga I-Castañas.

Ikalawa, tatlong resolusyon tungkol sa coconut levy ang inihain ng Cong Procy. Ang mga resolusyong ito ay nagpapatunay ng pagbibigay halaga nya sa kapakanan ng mga magniniyog sa ating bansa. Ang Resolusyon 54 ay naghihikayat sa Kalihim ng Pananalapi na huwag ituloy ang paggamit sa pondo ng cocolevy para tugunan ang kakulangan sa pondo ng Pilipinas. Ang Resolusyon 357 ay naghihikayat sa Ehekutibo para magsagawa ng malinaw at positibong mga hakbang para sa makabuluhang paggamit ng cocolevy funds. Ang Resolusyon 1024 ay humihimok sa PCGG na ipaalam sa PCA ang epekto ng mga pamumuhunang ipinapatupad ng SMC sa 27% bahagi ng stocks ng SMC na para sa mga magniniyog.

Noong 2008, sa pangunguna ni Cong Procy, pinagtibay ng Kongreso ang Resolusyon na pumupuri sa yumaong Dr. Conrado Dayrit para sa kanyang 45 taong masigasig at matapang na pagsasaliksik at adbokasiya sa langis ng niyog bilang antidote sa AIDS at AIDS virus.

Si Cong Procy Bilang Tagapaglingkod

Naipakita ni Cong Procy na hindi lang siya mahusay na mambabatas, bagkus siya ay tunay na tagapaglingkod ng Ikalawang Distrito. Pangunahin sa kanyang mga proyekto ay ang “ Proceso sa Pag-asenso: Proyektong Lingap-Kalinga Para sa mga Mamamayan ng Ikalawang Distrito ng Quezon.” Sa proyektong ito, nagtatalaga si Cong Procy ng pondo mula sa kanyang PDAF sa mga pamagamutan sa Kamaynilaan at Quezon para sa mga kapuspalad na kababayan sa Ikalawang Distrito.

Si Cong Procy ay nagsumikap na itatag at ipagpatuloy ang paglago ng Sentrong Pamilihan ng Produktong Agrikultura ng Quezon sa Sariaya, Quezon. Ang Sentrong Pamilihan ay nagsisilbing bagsakan ng mga gulay at iba pang produkto ng mga magsasaka sa Quezon para maibenta sa mga mamimili mula sa Bikol, Batangas, Laguna at Kalakhang Maynila.

Patuloy din ang pagtulak ni Cong Procy sa pagpapalaganap at pagpapalago ng natural na agrikultura hindi lamang sa kanyang distrito, kundi pati na rin sa iba pang lugar sa Pilipinas sapamamagitan ng regular na pagsasagawa ng mga pagsasanay sa mga magsasaka at iba pang interesadong grupo. Ang pagpapalaganap at pagpapalago ng organikong agrikultura ay pinagpupursigihan ni Cong Procy sa kadahilanang pinanghihinayangan nya ang lumalago ring merkado ng mga produktong organiko.

Sa pakikipagtulungan sa DSWD at CHED, si Cong Procy ay nagbibigay tulong pinansyal sa mga karapatdapat na iskolar sa high school at kolehiyo sa kanyang distrito. Siya rin ang naging instrumento sa pagtatayo ng Southern Luzon State University-Tiaong Campus, ang natatanging paaralang pang-agrikultura na may pataas na bilang ng mga mag-aaral sa buong bansa. Si Cong Procy ay nagpagawa rin ng maraming barangay highschools at elementary schools sa lugar.

Palagian din ang kanyang pagpopondo sa mga basketball clinics katuwang ang Sangguniang Kabataan sa lahat ng barangay para maturuan ang mga kabataan maglaro bilang propesyonal sapamamagitan ng mga pagsasanay. Ang mga basketball clinics na ito ay natatapos sa mga inter-barangay, inter-municipality at inter-district competitions.

Mahalaga rin ang naging papel ni Cong Procy sa pagpapagawa ng mga inprastraktura sa distrito tulad ng Tiaong By-Pass, Candelaria By-Pass Diversion at Quezon Eco-Tourism Roads at lahat daang pambarangay sa distrito.